mga taga subaybay

Saturday 3 November 2007

Patuloy Akong Maglalakbay

Habang ang aking mga paa'y walang kapagalan
Habang may dugong nananalaytay sa aking ugat at nagbibigay init sa aking pakiramdam
Habang malinaw pa ang aking paningin
Habang matalas pa ang aking isipan
Patuloy akong maglalakbay
Patuloy akong hahakbang patungo sa aking walang katiyakang destinasyon

Habang may natatanaw pa akong sikat ng araw
Habang may liwanag ng buwang tumatanglaw sa aking landas sa dilim ng gabi
Habang may simoy ng hanging dumadapyo upang pawiin ang pagkapagal ng aking katawan
Habang may mga puno akong nasisilungan
Patuloy akong maglalakbay
Patuloy akong hahakbang patungo sa aking walang katiyakang destinasyon

Habang sa akin ay may umaasa
Habang sa akin ay may naghahanap ng kasagutan sa kanilang mga tanong
Habang may sumasandig sa aking mga balikat
Habang may nais pang maniwala at magtiwala sa akin
Patuloy akong maglalakbay
Patuloy akong hahakbang patungo sa aking walang katiyakang destinasyon

Habang ako ay naniniwalang may puwersang higit na makapangyarihan kesa sa kalikasan
Habang ako ay nananampalatayang may isang tagapaglikhang nagbibigay ng buhay sa lahat ng nilalang
Habang ako ay naniniwalang siya lang ang tanging gabay ng lahat niyang nilikha
Patuloy akong maglalakbay
Patuloy akong hahakbang patungo sa aking walang katiyakang destinasyon

Dahil ang buhay ay patuloy na pakikibaka
Dahil ang buhay ay patuloy na pagharap sa mga hamon
Dahil ang buhay ay patuloy na pagsalunga sa agos
Dahil ang buhay ay patuloy na paglalakbay
Patungo sa isang walang katiyakang destinasyon

Pero habang may Bathalang patuloy na umaalalay at gumagabay sa aking paglalakbay
Patungo sa aking walang katiyakang destinasyon
Ang kasagutan ay nasa aking mga kamay
Kaya't patuloy akong maglalakbay...

ron:)
Abqaiq, KSA

No comments:

Post a Comment