mga taga subaybay

Saturday, 23 January 2010

Living Between TWO WORLDS

Usapan sa tambayan ng mga OFW’s sa Saudi Arabia…
Ang dalawang mundong ginagalawan ng mga Filipino expatriates na namumuhay at nagtatrabaho sa ibang bansa..

“sa pilipinas ay isang butihing ama o ina, pero sa ibang bansa ay may ibang kinakasama”

“kapag nagbabakasyon, feeling rich, para maipakita na can afford…pero sa ibang bansa trabahong kalabaw at doble doble ang part time jobs na ginagawa para kumita ng perang pansustina sa ganung larawan ng buhay na ipinapakita”

“sa harap ng pamilya at mga kaibigan sa pilipinas ay astig at macho ang kilos at dating, pero wag maloka kung makikita siya sa ibang bansa na ala marriane rivera at daig pa si darna sa ka artehan kapag dumadalo sa mga gatherings sa istiraha”

Isang kaibigan ang dumating mula sa pakikipag chat sa kanyang pamilya, at panandaliang naputol ang palitan ng mga kuro kuro….

“naka chat ko ang aking asawa at mga anak sa internet”
“nakausap mo na pala eh bakit parang iiyak at lungkot na lungkot ka?”
“sabi kasi ng bunso ko…”mama, kunin na natin si papa at iuwi natin sa bahay” habang hinahawakan nila ng kuya niya ang ang aking mukha sa screen ng computer. gusto kong umiyak, yakapin at halikan sila, pero hindi puiwedeng magpakita ng lungkot ang isang OFW, dahil baka lalong malungkot at umiyak si misis…sa aking dibdib na lang at lungkot at pagka giliw na nadarama”

Biglang natahimik ang grupo…

Matagal!
at dagling binago ang paksa ng usapan….

Siguro dahil sa iisang dahilan….
Dahil lahat sila bilang mga OFW ay namumuhay at dapat matutong mamuhay sa dalawang mundo na kanilang ginagalawan.
Sa harap ng naiwang pamilya sa pinas na sumasandal at umaasa sa kanila, dapat silang maging matatag…Masaya, kahit na kadalasan ay lumong lumo na…”OK lang ako dito, maayos naman ang lahat” tila ba naka program na sa utak ang otomatikong isasagot sa pamilya kahit ang katotohanan ay lubog na sa pagtitiis at paghihirap…
Na malakas at walang sakit, para huwag silang mag alala…kahit ang katotohanan ay nakahiga sa pagamutan at hirap kumilos habang kinakausap ng mahal na pamilya sa pilipinas…Dapat laging matatag…para maipakita ang “role” ng isang moog na sandalan…isang matatag na ama…butihing ina…isang ulirang anak na laging handang magmahal, maglingkod at magpakasakit alalng alang sa pamilya…larawan ng isang matibay na sandalan sakabila ng katotohanang marami sa kanila ang naghahanap din ng isang matatag na pader na masasandalan…
Nakakalungkot isipin, subalit ang isang OFW ay parang isang punching bag, na puwedeng suntukin ng paulit ulit pero hindi puwedeng gumanti ng suntok…at mas pinipili na huwag sumigaw kahit siya ay nasasaktan…hindi gagawing gumanti, dahil sa iisang dahilan…

dahil siya ay nagmamahal!…

Mahal ng isang OFW ang kanyang pamilya….
pamilyang pansamantalang iniwan para bigyan ng mas magandang kinabukasan…
Kahit na mangyari pa na kailanganin niyang mabuhay sa dalawang magka ibang mundo…

…and only an OFW can understand another OFW….
Dahil pareho sila ng buhay na pinagdadaanan

Ronald Villaluz Rafer
Operation Support and Maintenance
DLPS, Abqaiq Saudi Arabia

No comments:

Post a Comment