Si Miling (Basta Lalake)
Siya'y si manang Milagros, pinsang buo ko.
Mas matanda siya sa akin ng sampung taon, ang pinakabunsong anak nina tiyo Gudong at tiya Iska na kapatid ng tatay ko at kapitbahay namin sa probinsiya. Nakapagtapos siya ng kursong "komersiyo" sa isang kolehiyo sa kabisera at nakapagtrabaho bilang isang "clerk" sa munisipyo ng aming bayan. "Rosing" ang nakagisnan kong itinatawag sa kanya ng mga kakilala at kaibigan. Nakatayo ang kanilang bahay sa isang malawak na bakuran na kinatutubuan din ng isang malaki at matabong na punong sampalok.
Gayong pangkaraniwang anak ng isang magsaska sa probinsiya si manang Rosing, hindi naman pangkaraniwang kagandahan ang kanyang taglay. Kumbaga sa bulaklak, isa siya sa pinakamagandang rosas sa hardin ng aming nayonnoong kapanahunan niya. Bata pa lamang ay madalas na siyang mapiling mutya sa paaralang pinapasukan. Madalas din siyang maging mutya sa kapistahan ng aming nayon, at minsan nga ay napiling mutya sa aming bayan.
Marahil, naisip niya na hindi bagay sa angking ganda ang palayaw na "Rosing" kaya ginawa niya itong "Millette" ng siya'y magdalaga na. Tinanong ko siya minsang nag uusap kami sa ilalim ng punong sampalok
"Bakit mo binago ang pangalan mo manang Rosing?"
"Huwag mo nga akong matawag tawag na manang! ate Millette na lang, o kaya'y "sist".
"Alam mo kasi pangalang bata ang Rosing, masakit sa tenga pakinggan. Mas bagay talaga sa akin ang Millette."
"Ganun pala" nasambit ko sa aking sarili. "Kapag nagbago na ang edad at hitsura ng isang tao ay nagbabago na rin ang kanyang pangalan"
Sampung taong gulang na ako noon, at magdadalawampu naman si ate Millete.Halos gabi gabi ay may nakikita akong umaakyat ng ligaw sa kanya. Madalas na rin siyang hinaharana.
"Ang daming lumiligaw sayo ate" sabi ko ulit. "Siguro me nobyo ka na ano?"
"Wala pa! wala sa mga lumiligaw sa akin ang mga katangian ng lalaking hinahanap ko!"
"Eh ano ba ang mga katangiang iyon?"
"Marami ah!, Magandang lalaki, Mayaman, may pinag aralan, Mabait at Marunong magmahal."
Dagli akong nag isip. Sa aking murang isipan ay gumuhit ang maraming mga katanungan.
Napatingala ako at napatingin sa itaas ng punong sampalok. Sa mga sanga niyon, sa pinaka mayor na sanga ay napansin ko ang tila halamang kumapit doon.
"Ate ano yun?" tanong ko sabay turo sa halaman.
Tumingala siya. "Dapo yun" sabi niya.
"Eh hindi naman kaya niya sasakalin ang punong sampalok kapag lumago yun? Bakit hindi nyo alisin?"
"Huwag!" sabi niya. "Magaganda ang mga bulaklak, sayang"
Lumipas ang ilang taon, dalawampu't lima na ang edad ni ate Millette, magtatapos na rin ako ng highschool noon. Pero sa ngayon, hindi na "Millette" ang tawag sa kanya kundi "Rose" at wala pa rin siyang boyfriend.
"Bakit wala ka pang nobyo ate Rose?" tanong ko sa kanya minsang nag uusap kami sa ilalim ng punong sampalok.
"Hindi pa kasi dumarating ang lalaking bagay sa akin."
"Eh ano ba yung lalaking bagay sayo?"
"Yung lalaking mayaman, may pinag aralan, mabait at marunong magmahal."
Ng tingalain ko ang dapo sa punong sampalok ay napansin kong lumago iyon. Lumipat na rin sa iba pang mga sanga. Magaganda pa rin ang mga bulaklak.
Nakatapos ako ng highschool at nagtungo sa Maynila upang doon magpatuloy sa pag aaral sa kolehiyo. Tapos na ako ng aking kurso ng ako'y magbakasyon sa aming nayonat muli kaming nagkausap ni at Rose. Nagulat pa ako ng malamang hindi na pala "Rose" ang tawag sa kanya kundi "Mila" at nalaman ko na wala pa rin siyang nobyo gayung magtatatlumpo na ang kanyang edad.
"Hindi pa ba dumarating ang lalaking bagay sayo ate Mila?"
"Oo nga eh."
"Eh ano ba yung lalaking hinahanap mo?"
"Yung lalaking mayaman, may pinag aralan at marunong magmahal."
Sa maynila na ako nagkaroon ng magandang trabaho kaya't naging madalang na ang pagbabakasyon ko sa aming nayon at ng minsang nagbakasyon ako ay nakausap ko muli si manag Mila.
Magtatatlumpo't lima na noon ang kanyang edad, "single" pa rin at ang naririnig kong itinatawag sa kanya ay "lagring" na.
"Wala pa rin ba manang Lagring?" biro ko sa kanya.
"Wala na yata eh." sabay tawa niya.
"Simple lang naman ang hinahanap ko sa isang lalake."
"Ano?"
"Yung mabait at marunong magmahal."
Sa punong sampalok ay napansin kong malagong malago na ang dapo. Kumapit na rin ito sa halos lahat ng sanga. Magaganda pa rin ang mga bulaklak nito.
May sarili na akong pamilya ng muli akong magbakasyon sa aming nayon kasama ang aking asawa at ang una naming anak, ngunit dalaga pa rin si manang Lagring. Pero sa pagkakataong iyon, hindi na siya nagpalit ng bansag. Halata na nag mga guhit sa kanyang noo ngunit maganda pa rin ang hubog ng kanyang katawan bagama't mag aapat napu na ang kanyang edad.
"Tinalo na kita manag Lagring, me trophy na ako na ipinaghehele sa gabi." kantiyaw ko sa kanya.
"Iniinggit mo naman ako eh." tawa niya.
"Eh ano ba talaga ang lalaking gusto mo? Baka maihanap kita ng "Manila boy" na magiging darling mo?"
"Yung lalaking marunong magmahal"
Ngunit hindi ko natupad ang sinabi kongh ihahanap ko siya ng lalaking marunong magmahal kahit na biro lang yun. Nakarating ako ng ibang bansa at nasingkaw sa pagtratrabaho doon.
Lumipas pa ang ilang taon bago ako muling nakapagbakasyon sa aming nayon. mag aapat napu't lima na ang edad ni manang Lagring. Dalaga pa rin. Ngunit sa ngayon, naging Rosing ulit ang tawag sa kanya.
"Bakit naging Rosing ka ulit manang?" pabiro kong tanong.
"Hindi ba masakit sa tenga at saka pangalan ng bata yan?"
Hindi natawa si manang Rosing.
"Bakit?" Paasik niyang tanong.
"Bata pa naman ako ah!" at inirapan niya ako.
Naging mapakla ang matamis kong ngiti.
"Nagbibiro lang ako ate." sabi ko sa kanya.
Nangiti na rin siya. "Oh, di ba sabi mo noon ihahanap mo ako ng Manila boy na magiging darling ko?"
"Me nahanap ka ba?"
Napakamot ako sa batok. "Hindi nga ate eh, na busy ako sa abroad."
"Hamo't sa pagbabalik ko'y ihahanap kita ng "foreigner"."
"Ano nga ba yung mga katangian ng lalaking hanap mo, manang Rosing?"
"BASTA LALAKE!"
Napatingala ako sa mga sanga ng punong sampalok, Natatalukbungan na yun ng lubos ng dapo at nagsisimujla na ring matuyo ang mga dahon. Alam kong sa muling paglipas ng panahon, hindi maglalaon ay mamamatay na rin ang dating malabay at matipunong puno...
Thursday, 17 June 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)